Ika-21 ng Mayo, 2024 naganap ang ika-isang daan at tatlumpu’t limang sesyon sa gusaling pampamahalaan kung saan tinalakay ang Contract of Affiliation sa pagitan ng Lungsod ng Maynila at Lyceum of the Philippine University-Batangas pati ang Philippine College of Health Sciences para sa pagsasanay ng kanilang mga medical technology students sa Sta. Ana Hospital.
Sa tulong ni Majority Floor Leader Councilor Ernesto “Jong” Isip Jr., sinumite sa itinakdang komite para sa Unang Pagbasa ang iba’t ibang mga ordinansa’t resolusyon ukol sa mga paksa na napapaloob sa Appropriations, Environmental Protection, Ecological Preservation & Sanitation, Animal Welfare, Education, Cooperatives, NGO’s & PO’s at Barangay Affairs.
Inaprubahan ang annual barangay budget ng ilang mga barangay sa District 1, 2, 4 at 6.
Ang mga Punong Barangay ay dumalo sa nasabing barangay budget hearing at pormal na nagpakuha ng litrato sa ating mga magigiting na konsehal. Matapos nito, nagpa-unlak ng mensahe at pagbati ang bumisita sa ating sesyon. Ang kinatawan ng ating lungsod sa gaganaping Bb. Pilipinas 2024 na si Bb. Roselyn Evardo. Taos-pusong suporta ang pinapa-abot ng buong Konseho kay Bb. Evardo. Kasunod nito, nagpahayag ang Deputy Director ng City Net na si Jaime Paulo Mora na inimbitahan ang lahat sa layuning maging sustainable development for networks ang lungsod ng Maynila.
Tinalakay ang ilang serye ng mga resolusyong inakdahan ni Councilor Numero “Uno” Lim. Una, pagtiyak sa lahat ng dredging vessels sa Manila Reclamation Project ay akreditabo ng Marina Philippine Coast Guard. Pangalawa, pagsuporta sa ating butihing alkalde Mayor Dra. Honey Lacuna-Pangan sa inisyatibong unahin ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na mabigyan ng housing units alinsunod sa Manila Urban Development Housing Program. Pangatlo, pagkilala kay Cardinal Luis Antonio Tagle sa kaniyang paghirang ni Pope Francis bilang Special Envoy to the National Eucharistic Congress at sa kaniyang pagseserbisyo bilang Archbishop ng Lungsod ng Maynila. Panghuli, paglilinaw sa inilabas na Memorandum No. 3 series of 2024 ng DEPED Manila ukol sa mandatory vacation period ng mga guro.
Sa pamamagitan ng resolusyong inihain ni Councilor Joel “JTV” Villanueva, hinihikayat nito ang lahat ng barangay sa Lungsod ng Maynila na magsagawa ng pagdaraos ng “pet parade”. Ayon kay Councilor Villanueva, gagamitin itong pagkakataon ng mga barangay officials upang maipaalala sa lahat ng mga residente ang kahalagahan ng pag-aalaga ng ating mga mahal na aso’t pusa. Inakdahan din ni Councilor Villanueva ang pagbati sa National Univeristy Bulldogs Men’s and Women’s Volleyball Division sa pagkamit ng kampeonato ng UAAP Season 88.